
Ang Ating Kabutihan ay Kanyang Kaluwalhatian
Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala. (Mateo 6:6, MBBTAG)
Isang karaniwang pagtutol sa Cristianong Hedonismo ay mas itinataas daw nito ang interes ng tao kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos — mas itinataas nito ang kaligayahan ko kaysa sa karangalan ng Diyos. Ngunit mariin itong di ginagawa ng Cristianong Hedonismo.
Siguradong tayong mga Cristianong Hedonista ay nagsisikap sundin ang ating mga interes at kaligayahan nang buong lakas. Iniindorso natin ang pagpapasya ng batang Jonathan Edwards: “Pagpapasya: Pagsikapang makamit para sa aking sarili ang pinakamaraming kaligayahan sa kabilang mundo na puwede kong makamit, nang buong kapangyarihan, lakas, sigla, at lupit, oo dahas, na kaya ko, o kayang gawin ng aking kalooban, sa anumang paraan na maaaring isipin.”
Pero natutunan natin mula sa Biblia (at kay Edwards!) na ang interes ng Diyos ay palakihin ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagpapaapaw ng Kanyang habag sa atin — sa ating mga makasalanan, na lubhang nangangailangan sa Kanya.
Samakatuwid, ang paghahangad ng ating interes at kaligayahan, kahit na ito’y kapalit ng ating buhay, ay hindi kailanman higit sa interes ng Diyos at kaligayahan ng Diyos at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit palaging nasa Diyos. Isa sa pinakamahalagang katotohanan sa Biblia ay ito: Ang pinakadakilang interes ng Diyos ay luwalhatiin ang kayamanan ng Kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagpapaligaya ng mga kasalanan sa Kanya — sa Kanya!
Kapag nagpapakumbaba tayo na parang maliliit na bata at hindi nagmamayabang na kaya natin ang lahat, kundi masaya tayong tumatakbo sa kagalakan ng yakap ng ating Ama, nadadagdagan ang kaluwalhatian ng Kanyang biyaya at nasisiyahan ang pananabik ng ating kaluluwa. Ang ating interes at ang Kanyang kaluwalhatian ay nagiging isa.
Nang ipangako ni Jesus sa Mateo 6:6, “Ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala,” ito ang gantimpalang nais Niyang hanapin natin. Hindi Niya tayo inaakit ng kagalakang di natin dapat taglayin! Ngunit ang gantimpalang ito — ang kagalakang ito — ay ang pag-apaw ng pagtalikod sa papuri sa tao, at pagpasok sa ating silid upang hanapin ang Diyos.
Samakatuwid, ang mga Cristianong Hedonista’y hindi inuuna ang kanilang kaligayahan kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos. Inilalagay nila ang kanilang kaligayahan sa Diyos mismo at natutuklasan ang maluwalhating katotohanan na ang Diyos ay lubos na naluluwalhati sa atin kapag tayo’y lubos na nasisiyahan sa Kanya.
Devotional excerpted from Desiring God, pages 159–160
This article was translated by Joshene Bersales and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/ammunition-against-anxiety
Joshene Bersales considers Joshua her Bible hero, and strives to have faith that can make the sun stand still. She graduated with an AB Literature (English) degree from Ateneo de Manila University. She is a writer, editor, and translator. Joshene loves theater, traveling, and tea. You can find her on IG (@joshenebersales) and Facebook (https://www.facebook.com/joshenebersales/).
John Piper (@JohnPiper) is founder and teacher of desiringGod.org and chancellor of Bethlehem College & Seminary. For 33 years, he served as pastor of Bethlehem Baptist Church, Minneapolis, Minnesota. He is author of more than 50 books, including Desiring God: Meditations of a Christian Hedonist and most recently Providence.