
Sandata Laban sa Pagkabalisa
Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos. (Filipos 4:6, ABTAG2001)
Isa sa mga bagay na pinagpapasalamat natin kapag ipinapaalam natin sa Diyos ang ating mga kahilingan ay ang Kanyang mga pangako. Ito ang mga bala ng kanyon na pumupuksa sa di-pananampalataya na nagbubunga ng pag-aalala. Kaya ganito ako makipaglaban.
Kapag nababalisa ako tungkol sa aking ministeryo, na tila wala itong silbi o laman, nilalabanan ko ang di-pananampalataya gamit ang pangako ng Isaiah 55:11. “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko; hindi ito babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganapin ang ayon sa layunin ko, at magtatagumpay sa bagay na kung saan ay sinugo ko ito.”
Kapag nababalisa ako tungkol sa pagiging mahina ko upang gawin ang aking gawain, nilalabanan ko ang di-pananampalataya gamit ang pangako ni Cristo, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan” (2 Corinto 12:9).
Kapag nababalisa ako tungkol sa mga desisyong kailangan kong gawin tungkol sa hinaharap, nilalabanan ko ang di-pananampalataya gamit ang pangakong, “Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo” (Awit 32:8).
Kapag nababalisa akong harapin ang mga kalaban, nilalabanan ko ang di-pananampalataya gamit ang pangakong, “Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?” (Roma 8:31).
Kapag nababalisa ako tungkol sa kapakanan ng mga mahal ko sa buhay, nilalabanan ko ang di-pananampalataya gamit ang pangakong kung ako, na masama, ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa aking mga anak, “gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya?” (Mateo 7:11).
At sinisikap kong mapanatili ang aking espirituwal na balanse gamit ang paalala na lahat ng nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga bukid, dahil kay Cristo, ay “makakatanggap ng isandaang ulit, ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may mga pag-uusig; at sa darating na panahon ay walang hanggang buhay” (Marcos 10:29–30).
Kapag nababalisa ako sa pagkakasakit, nilalabanan ko ang di-pananampalataya gamit ang pangakong, “Marami ang kapighatian ng matuwid; ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon” (Awit 34:19).
At tinatanggap ko ang pangako nang may panginginig: “Ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis, at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin” (Roma 5:3–5).
Devotional excerpted from Future Grace, pages 60–61
This article was translated by Joshene Bersales and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/ammunition-against-anxiety
Joshene Bersales considers Joshua her Bible hero, and strives to have faith that can make the sun stand still. She graduated with an AB Literature (English) degree from Ateneo de Manila University. She is a writer, editor, and translator. Joshene loves theater, traveling, and tea. You can find her on IG (@joshenebersales) and Facebook (https://www.facebook.com/joshenebersales/).
John Piper (@JohnPiper) is founder and teacher of desiringGod.org and chancellor of Bethlehem College & Seminary. For 33 years, he served as pastor of Bethlehem Baptist Church, Minneapolis, Minnesota. He is author of more than 50 books, including Desiring God: Meditations of a Christian Hedonist and most recently Providence.