
Kagalakan sa Kapighatian
“Mapapalad kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin. Magalak kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit.” (Mateo 5:11-12, ABTAG 2001)
Sinasabi ng Cristianong Hedonismo na may iba’t ibang paraan upang magalak sa kapighatian bilang isang Cristiano. Lahat ng ito ay dapat gawin bilang pagpapahayag ng buong sapat at buong kasiya-siyang biyaya ng Diyos.
Isang paraan upang magalak sa kapighatian ay nagmumula sa pag-pokus ng ating isipan sa laki ng gantimpalang darating sa atin sa muling-pagkabuhay. Ang epekto ng ganitong uri ng pokus ay ito: Lumiliit ang ating kasalukuyang sakit kumpara sa paparating pa lamang: “Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin” (Roma 8:18 cf. 2 Corinto 4:16–18). Habang tinitiis natin ang pagdurusa, nagagawa nating umibig dahil sa kagalakan natin sa ating matatanggap na gantimpala.
“Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo” (Lucas 6:35). Maging mapagbigay sa mga mahihirap “at pagpapalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid” (Lucas 14:14). Pinuputol ng tiwala sa ipinangakong gantimpalang ito ang lubid ng pagiging makamundo at pinapalaya tayo para sa halaga ng pag-ibig.
Ang isa pang paraan upang magalak sa kapighatian ay nagmumula sa mga epekto ng pagdurusa sa ating katiyakan ng pag-asa. Ang kagalakan sa paghihirap ay nakaugat hindi lamang sa pag-asa ng muling pagkabuhay at gantimpala, kundi pati na rin sa paraan na ang mismong pagdurusa’y kumikilos upang palalimin ang pag-asang iyon.
Halimbawa, sinabi ni Pablo, “Nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis, at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa” (Mga Taga Roma 5:3–4).
Sa madaling salita, ang kagalakan ni Pablo ay hindi lamang nakaugat sa kanyang malaking gantimpala, kundi sa epekto ng kapighatian na nagpapatatag sa pag-asa sa gantimpalang iyon. Ang paghihirap ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pakiramdam na ang ating pananampalataya ay totoo at tunay, at pinapalakas nito ang ating pag-asa na matatamo nga natin si Cristo.
Kaya mag-pokus man tayo sa kayaman ng gantimpala o sa pagpapadalisay na epekto ng kapighatian, ang layunin ng Diyos sa kagalakan natin sa pagdurusa ay magpapatuloy.
Devotional excerpted from Desiring God, pages 283–284
This article was translated by Joshene Bersales and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/rejoicing-in-pain
Joshene Bersales considers Joshua her Bible hero, and strives to have faith that can make the sun stand still. She graduated with an AB Literature (English) degree from Ateneo de Manila University. She is a writer, editor, and translator. Joshene loves theater, traveling, and tea. You can find her on IG (@joshenebersales) and Facebook (https://www.facebook.com/joshenebersales/).
John Piper (@JohnPiper) is founder and teacher of desiringGod.org and chancellor of Bethlehem College & Seminary. For 33 years, he served as pastor of Bethlehem Baptist Church, Minneapolis, Minnesota. He is author of more than 50 books, including Desiring God: Meditations of a Christian Hedonist and most recently Providence.