
Ang Kalooban ng Diyos ay na Ikaw ay Lumapit
Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat. (Hebreo 10:22 MBBTAG)
Ang utos na ibinigay sa atin sa talatang ito ay ang lumapit sa Diyos. Ito ang pangunahing layunin ng awtor ng aklat ng Hebreo: na lumapit tayo sa Diyos, na magkaroon tayo ng pakikisama sa Kanya, na hindi tayo maging kuntento sa isang Kristiyanong buhay na malayo sa Diyos.
Hindi isang pisikal na kilos ang paglapit na ito. Hindi ito pagtatayo ng tore ng Babel ng iyong mga tagumpay upang makarating sa langit. Hindi ito pagpunta sa isang gusali ng simbahan. O paglalakad patungo sa altar sa harapan. Isa itong di-nakikitang kilos ng puso. Magagawa mo ito kahit nakatayo ka lang at di gumagalaw, o habang nakahiga sa kama ng ospital, o nasa tren habang papunta sa trabaho.
Ito ang sentro ng ebanghelyo — ito ang dahilan ng hardin ng Getsemani at Biyernes Santo — na gumawa ang Diyos ng mga bagay na nakakagulat at malaki ang kabayatan, upang mapalapit tayo sa Kanya. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang magdusa at mamatay, upang sa pamamagitan Niya’y makalapit tayo. Lahat ng Kanyang ginawa sa dakilang plano ng pagtubos ay para makalapit tayo. At para sa ating kagalakan at Kanyang kaluwalhatian ang paglapit na iyon.
Hindi Niya tayo kailangan. Kung mananatili tayong malayo, hindi Siya maghihirap. Hindi Niya tayo kailangan upang maging masaya sa pakikisama ng Trinidad. Ngunit pinapalaki Niya ang Kanyang awa nang binigyan Niya tayo ng malayang access sa pamamagitan ng Kanyang Anak, sa kabila ng ating kasalanan, sa tanging Realidad na makakapagbigay ng ganap at walang-hanggang kasiyahan sa ating mga kaluluwa—walang iba kundi Siya mismo. “Sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.” (Awit 16:11 MBBTAG).
Ito ang kalooban ng Diyos para sa iyo, kahit na habang binabasa mo ito. Ito ang dahilan kung bakit namatay si Kristo: upang lumapit ka sa Diyos.