
Enero 2
Ano ang Ginawa ni Hesus para sa Kamatayan
Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayundin naman, si Kristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya. (Hebreo 9:27–28 MBBTAG)
Ang kamatayan ni Hesus ay nagpapasan ng mga kasalanan. Ito ang mismong puso ng Kristiyanismo, ang puso ng ebanghelyo, at ang puso ng dakilang gawain ng Diyos sa pagtubos sa mundo. Nang mamatay si Kristo, pinasan Niya ang mga kasalanan. Kinuha Niya ang mga kasalanang hindi sa Kanya. Nagdusa Siya para sa mga kasalanang ginawa ng iba, upang makalaya sila mula sa kasalanan.
Ito ang sagot sa pinakamalaking problema sa iyong buhay, kahit na hindi mo ito maramdaman bilang pangunahing problema. May sagot kung paano tayo makakasundo sa Diyos sa kabila ng pagiging makasalanan natin. Ang sagot ay ang kamatayan ni Kristo bilang handog "upang pasanin ang mga kasalanan ng marami." Inangat Niya ang ating mga kasalanan at dinala ang mga ito sa krus at doon namatay ng kamatayang nararapat nating danasin.
Ngayon, ano ang ibig sabihin nito para sa aking kamatayan? "Itinalaga [ako] na mamatay minsan." Ibig sabihin, hindi na parusa ang aking kamatayan. Hindi na ito parusa para sa kasalanan.. Ang aking kasalanan ay inalis na. “Inaalis” ito sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo. Si Kristo ang tumanggap ng parusa.
Bakit pa ako mamamatay kung ganun? Dahil nais ng Diyos na manatili ang kamatayan sa mundo sa ngayon, kahit sa Kanyang sariling mga anak, bilang patuloy na patotoo sa matinding kasuklaman ng kasalanan. Sa ating pagkamatay, ipinapakita pa rin natin ang panlabas na epekto ng kasalanan sa mundo.
Ngunit ang kamatayan para sa mga anak ng Diyos ay hindi na galit ng Diyos laban sa kanila. Naging daan na natin ito sa kaligtasan at hindi sa pagkondena.