
Ang Kalayaan ng Biyaya
Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. (Efeso 2:4–6 MBBTAG)
Ito ang mahalagang ginawa ng Diyos para sa ating pagbabagong-buhay: “tayo’y binuhay niyang kasama ni Cristo” kahit na “noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway.” Sa madaling salita, tpatay tayo sa Diyos. Hindi tayo tumutugon; wala tayong tunay na panlasang espirituwal o interes dito; wala tayong espiritwal na mata para sa kagandahan ni Kristo; patay lang talaga tayo sa lahat ng bagay na tunay na mahalaga.
Pagkatapos, kumilos ang Diyos—nang walang kondisyon—bago pa man tayo makagawa ng anumang bagay upang maging karapat-dapat na sisidlan ng Kanyang presensya. Binuhay Niya tayo. Ginising Niya tayo mula sa pagkakatulog ng espiritwal na kamatayan, upang makita ang kaluwalhatian ni Kristo (2 Corinto 4:4). Ang mga patay na pandamang espiritwal ay himalang nabuhay.
Sinasabi sa Efeso 2:4 na isa itong gawain ng “awa.” Ibig sabihin, nakita tayo ng Diyos sa ating pagkamatay at naawa Siya sa atin. Nakita ng Diyos ang kakila-kilabot na kabayaran ng kasalanan na humahantong sa walang hanggang kamatayan at pagdurusa. “Ang Diyos, na sagana sa awa . . . ay binigyan tayo ng buhay.” At ang yaman ng Kanyang awa ay umapaw sa atin sa ating pangangailangan. Ngunit ang kapansin-pansin sa tekstong ito ay ang pagputol ni Pablo sa daloy ng kanyang sariling pangungusap upang isingit, “sa pamamagitan ng biyaya ay naligtas ka.” “Binuhay tayo [ng Diyos] kasama si Kristo—sa pamamagitan ng biyaya ay naligtas ka— at itinaas tayo kasama niya.”
Uulitin ito ni Pablo sa talata 8. Kung gayon, bakit pa niya pinutol ang daloy ng kanyang sariling pangungusap upang idagdag ito dito? Heto pa pa, nakapokus ang pangugusap sa awa ng Diyos na tumutugon sa ating kaawa-awang kalagayan ng kamatayan; kaya bakit sinadya ni Pablo na banggitin na sa pamamagitan rin ng biyaya kaya tayo ay naligtas?
Sa tingin ko, nakita ni Pablo isa itong perpektong pagkakataon upang bigyang-diin ang kalayaan ng biyaya. Habang inilalarawan niya ang ating patay na kondisyon bago ang pagbabagong-buhay, napagtanto niya na ang patay na mga tao ay hindi makakatugon sa mga kondisyong ito. Kung sila ay mabubuhay, dapat mayroong walang kondisyon at lubos na malayang gawain ng Diyos upang iligtas sila. Ang kalayaang ito ang mismong puso ng biyaya.
Ano pang gawain ang mas di-timbang ang kalayaan at di-napagkasunduan kaysa sa isang tao na binubuhay ang isa pa mula sa kamatayan! Ito ang kahulugan ng biyaya.