
Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. (Pahayag 20:12 MBBTAG)
Paano sa huling paghuhukom? Maaalala ba ang ating mga kasalanan? Mabubunyag ba ang mga ito? Ganito ang matalinong sabi ni Anthony Hoekema: “Ang mga pagkukulang at pagkakamali ng mga . . . mananampalataya . . . ay magiging bahagi ng larawan sa Araw ng Paghuhukom. Ngunit — at ito ang mahalagang punto — ang mga kasalanan at pagkukulang ng mga mananampalataya ay ipapakita sa paghuhukom bilang mga kasalanang napatawad na, mga salang lubusang natatakpan ng dugo ni Hesu-Kristo.”
Isipin mo ito sa ganitong paraan. May talaan ang Diyos para sa bawat tao (ang “mga aklat” sa Pahayag 20:12). Lahat ng iyong ginawa o sinabi (Mateo 12:36) ay nakatala doon na may marka (mula sa “A” hanggang sa “F”). Kapag humarap ka sa “trono ng paghuhukom ni Kristo” (2 Corinto 5:10) upang hatulan “ayon sa [iyong] ginawa sa katawan, mabuti man o masama,” bubuksan ng Diyos ang iyong talaan at ilalabas ang mga pagsusulit na may marka. Ilalabas Niya lahat ng “F” at ilalagay sa isang bunton. Pagkatapos ay kukunin Niya lahat ng “D” at “C” at huhugutin ang mabubuting bahagi ng pagsusulit at ilalagay ang mga ito kasama ng mga “A,” saka ilalagay ang masasamang bahagi sa bunton ng “F.” Pagkatapos ay kukunin niya lahat ng “B” at “A” at tatanggalin ang masasamang bahagi nito at ilalagay sa bunton ng “F,” at ilalagay ang lahat ng mabubuting bahagi sa bunton ng “A.”
Pagkatapos nito, bubuksan Niya ang isa pang talaan (“ang aklat ng buhay”) at makikita Niya rito ang iyong pangalan, dahil nasa kay Kristo ka sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa likod ng iyong pangalan ay may posporo na gawa sa krus ni Hesus. Kukunin Niya ang posporo, sisindihan ito, at susunugin ang bunton ng “F,” na naglalaman ng lahat ng iyong mga pagkakamali at kakulangan. Hindi ka nila hahatulan, at hindi ka nila bibigyan ng gantimpala.
Pagkatapos, kukunin Niya mula sa iyong talaan sa “aklat ng buhay” ang isang selyadong sobre na may markang “libre at puno ng grasyang bonus: buhay!” at ilalagay ito sa bunton ng mga “A” (tingnan ang Marcos 4:24 at Lucas 6:38). Pagkatapos, itataas Niya ang buong bunton at idedeklara, “Sa pamamagitan nito ang iyong buhay ay nagpapatotoo sa biyaya ng Aking Ama, sa halaga ng Aking dugo, at sa bunga ng Aking Espiritu. Nagpapatotoo ang mga ito na ang iyong buhay ay walang hanggan. At ayon sa mga ito, tatanggap ka ng iyong mga gantimpala. Pumasok ka sa walang hanggang kagalakan ng iyong Panginoon.”