
Sandali Lamang
Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. (1 Pedro 5:10 MBBTAG)
Minsan, sa gitna ng mga paghihirap at pang-araw-araw na stress ng buhay, puwede tayong sumigaw, “Gaano katagal pa, O Panginoon? Hindi ko makita ang lampas sa sakit ngayon. Ano ang magiging bukas? Nandoon ka rin ba para sa pagsubok na iyon?”
Lubos na mahalaga ang tanong na ito, dahil sinabi ni Hesus, “Ang taong magtitiis hanggang wakas ay maliligtas” (Marcos 13:13). Nanginginig tayong isipin na baka mapabilang tayo sa “mga umaatras at napapahamak” (Hebreo 10:39). Hindi tayo naglalaro lamang. Ang pagdurusa ay isang kakila-kilabot na banta sa pananampalataya sa hinaharap na biyaya ng Diyos.
Kaya naman, isang kahanga-hangang bagay na marinig ang pangako ni Pedro sa mga naghihirap at pagod na mga Kristiyano, “Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag” (1 Pedro 5:10).
Ang katiyakan na hindi patatagalin anghigit sa ating makakayanan, at aalisin Niya ang mga kapintasan na ating iniiyakan, at itatatag Niya magpakailanman ang mga bagay na matagal nang nag-aalangan — ang katiyakang ito ay nagmumula sa Diyos ng “lahat ng biyaya.”
Ang Diyos ay hindi Diyos ng ilang biyaya lamang — tulad ng lumipas na biyaya. Siya “ang Diyos ng lahat ng biyaya” — kasama ang walang hanggan at di-auubos na kamalig ng hinaharap na biyaya na kailangan natin upang tumagal hanggang sa wakas.
Ang pananampalataya sa hinaharap na biyayang ito, na pinalakas ng alaala ng nakaraang biyaya, ang susi upang magpatuloy tayo sa makitid at mahirap na daan na patungo sa buhay.