
Bago pa makapagsulat nobela, mahalagang matutong mangarap. O: pangangarap ang totoong unang hakbang sa pagsusulat. Hindi ito basta pananaginip nang gising, kundi pagbubukas ng pandama sa mga larawang wala rito, pagharaya sa mga mundong hindi pa umiiral. Ang pangangarap ang pinakapayak ngunit pinakamahirap na gawain ng manunulat, sapagkat nangangailangan ito ng paniniwala na maaari kang kumatha ng mundong higit sa naririto.